Paano Ko Matutulungan Ang Aking Anak Sa Filipino?

BF2

Kunwari walang naririnig tuwing kakausapin mo sa Filipino. Tatalikod o di kaya ay ngingiti na lamang imbis na sumagot. Kung sasagot man sila ay sa Ingles at kadalasan pa’y sasabihing,  “What are you saying?” o “I don’t understand.”

Ito ay mga senyales na ang inyong anak ay nahihirapan o hindi marunong magsalita sa Filipino at marahil sila ay nahihirapan din sa ilang mga asignatura sa paaralan na gumagamit ng wikang ito. Paano natin sila matutulungan?

Narito ang ilang mga payo para matulungan ang ating mga anak sa pagiging matatas sa Filipino:

1. Magbasa ng mga kwento at babasahing Filipino.                

Kung dati-rati ay iilan lamang ang mga kwentong pambata na makikita natin sa mga aklatan na nakasulat sa wikang Filipino, ngayon ay  patuloy na lumalaki ang koleksyon ng iba’t ibang masasayang kwento na siguradong magugustuhan ng inyong mga  anak.  Sa pagbabasa ng mga kwentong Filipino, magiging pamilyar ang mga bata sa anyo at istruktura ng mga pangungusap sa Filipino. Maliban dito, ang mga  kwentong pambata ay naglalaman din ng iba’t ibang mga kaugalian at magagandang asal na tatak ng isang batang Filipino. Ang aming  aklatan ay naglalaman ng ilang mga kilalang pamagat at kwento tungkol  sa mga sikat na mga tauhan sa panitikang Filipino gaya nina Carancal, Pilandok atbp!

2. Muling ibalik ang mga larong Filipino!

Patintero. Tagu-taguan. Agawang base. Sino ang makakalimot ng masasayang larong ito? Bakit hindi natin muling balikan ang mga ito? Sa paglalaro ng mga larong Filipino, mapupukaw ang interes ng mga  bata sa kultura ng isang Filipino. Magiging interesado siya ngayon na  matuto ang iba pang mga bagay tungkol dito. Habang naglalaro, maaari  ring magsanay ang mga bata sa pakikipag-usap sa Filipino at paggamit  ng mga salita gaya ng “taya” at burot” na ilan sa mga salitang mahirap ipaliwanag sa loob ng silid- aralan lamang.

Ang aming mga workshop ay hindi lamang tumatalakay ng mga larong ito kundi ipinaparanas din naming ang mga ito sa mga bata kasama ang ilang mga batang kagaya nilang hirap sa Filipino! Sa ganitong paraan, natututunan din ng mga bata kung  paano ang tamang pakikipaglaro at pakikisama sa kanilang kapwa.

3. Samahan sila sa kanilang paglalakbay at pagtuklas ng kagandahan ng wikang Filipino!

Maaaring ipadala natin ang ating mga bata sa mga center at karagdagang guro para mapunan panandalian ang pangangailangan nila sa paaralan. Pero hindi ito sapat.  Kailangan makita ng mga bata ang saysay ng kanilang pag-aaral nito  hindi lamang para sa kanilang paaralan kundi para na rin sa  kanilang pagkakakilanlan bilang isang Filipino.
Bilang magulang, kailangan nating ipakita sa kanila na tayo mismo ay natutuwa at interesado sa wikang Filipino sa  pamamagitan   ng paggamit nito sa bahay at sa tuwing kausap natin sila.

Hindi lamang sa wika! Pati ang pagtangkilik sa mga bagay na sariling atin, gaya ng mga pagkain, babasahin at mga palabas na  tunay na  gawang Filipino. Sa ganitong paraan mas mahihikayat ang mga batang pag-aralan at  paghusayan ang pakikipagusap sa Filipino dahil sila  mommy at daddy ay mahusay dito! Sa ganitong paraan din nabibigyan ng mas maigting na pagsasanay ang mga bata sa  pakikipagusap sa Filipino.

Hindi sa klase lamang o sa center sila magkakaroon ng pagkakataon magsalita sa Filipino. Kung ganito ang mangyayari mahihirapan ang mga bata na  matuto ng wikang Filipino, mawawalan ng saysay para sa kanila ang  pag-aaral nito at dahil dito, baka tuluyan silang mawalan ng gana sa  pagiging isang Filipino.

Tulungan natin ang ating mga anak! Kung hindi, habang buhay silang magiging, ika nga ni Rizal, mabaho pa sa malansang isda.

Manunulat: Si Binibining Tolet ay isa sa mga guro sa Wika’y Galing ng Learning Library. Ang isa sa kanyang pangunahing adhikain sa pagtuturo ay ang ipasa ang pagmamahal sa sariling wika sa mga susunod na henerasyon ng Pilipino sa pamamagitan ng musika, sining at panitikan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s